Patay na at ginahasa pa nang matagpuan ang isang babaeng tatlong-taong-gulang na tinangay ng isang lalaki na pumasok sa kanilang bahay sa Sultan Kudarat. Ayon sa pulisya, ang nanay ng biktima ang unang binalak gahasain ng suspek pero nakatakbo ito at naiwan ang kaniyang mga anak.
Sa ulat ni Abbey Caballero ng GMA Regional TV One Mindanao sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Rolando Baylon Sr., 72-anyos, kapitbahay ng mga biktima sa Sitio Megpanga sa munisipalidad ng Sen. Ninoy Aquino.
Ayon sa pulisya, gabi noong Setyembre 26 nang pasukin ng suspek ang bahay ng mga biktima. Nasa loob nito ang ginang at apat na anak, pero wala ang padre de pamilya dahil nasa trabaho.
Wala rin umanong pintuan ang bahay ng mga biktima kaya madaling nakapasok ang suspek na armado ng bolo.
Ayon kay Police Captain Mingfie Santillana, OIC, Sen.Ninoy Aquino Police Station, ang ginang ang unang pinagtangkaan ng suspek na gahasain pero nakatakbo ito at naiwan ang kaniyang mga anak.
Kuwento umano ng walong-taong-gulang na anak ng ginang, umiyak ang biktimang tatlong-taong-gulang na pinalo ng bato sa ulo ng suspek at tinangay.
Nakita ang katawan ng biktima sa hindi kalayuan sa bahay nito na patay na.
Lumitaw din sa pagsusuri sa medico-legal na ginahasa ang biktima.
Nang magsagawa ng operasyon ang pulisya para hulihin ang suspek, nanlaban umano ito kaya napatay din.
Napag-alaman na kalalaya lang suspek ngayon taon matapos makulong sa kasong patay. --FRJ, GMA Integrated News