Nasagip ang pitong babaeng Chinese mula sa pambubugaw umano sa isang condominium sa Parañaque City. Ang mga suspek na 11 na kapwa Chinese at isang Pinay, arestado.
Sa ulat ng Unang Balita ni Nico Waje nitong Martes, sinabing sinalakay ng Special Operations Unit ng Southern Police District ang isang unit sa isang condominium sa Barangay Tambo, madaling araw noong Sabado na dala ang search warrant.
Dalawang Chinese ang inireklamo dahil armado umano ng mga baril, na makikita sa isang video.
Bukod sa mga armas, itinatago rin sa condominium unit ang mga babaeng Chinese na ginagamit umano sa prostitusyon.
Sa mga messaging app inaalok sa mga kapwa nila Chinese ang mga babae, na may presyong P150,000 hanggang P250,000 para sa kanilang serbisyo.
Nakuha rin ang P32 milyon cash sa mismong unit, na mga bayad umano sa serbisyo ng mga babae.
Sinabi ng DSOU ng SPD na kuta umano ng human trafficking ang buong 18th floor ng building.
Kabilang sa mga nadakip ang isa sa umano’y big boss, pati ang isang Pinay na siya umanong nag-aasikaso sa booking ng mga babae.
Sinabi ng DSOU ng Southern Police District na dalawang buwan pa lang nananatili sa bansa ang mga biktima, na nasa kustodiya na ng DSOU habang hinihintay na kunin sila ng Chinese Embassy.
Nakabilanggo naman sa Tambo Police Station sa Parañaque City ang mga suspek. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News