Inihayag ni Herlene Budol na muli siyang gagamit ng interpreter sa Miss World Tourism sa London, gaya ng paggamit niya nito sa katatapos lang na Miss Grand Philippines 2023.

Sa ulat ng Saksi, sinabing ginulat ni Herlene ang lahat nang gumamit siya ng interpreter sa Q&A portion.

“Oo. Dito nga po sa Pilipinas na maraming nagta-Tagalog nakapagdala ako sa tabi ko. What more sa iba pang bansa? Pero gusto ko kasi mas maraming mas makaintindi. Kagaya ko hindi ganoon kagaling sa Ingles pero pinipilit,” anang Miss Philippines Tourism 2023.

Bukod dito, wagi rin si Herlene ng ilang special awards.

Nauna nang ibinahagi ni Herlene ang ilan niyang larawan na proud na suot ang korona habang nagpapahinga sa bahay matapos ang kompetisyon.

Sa isa namang naunang post, ibinahagi rin niya ang kaniyang larawan suot ang white two piece bikini.

Ayon sa kaniya, kinabahan siya habang hinihintay na matawag ang kaniyang pangalan.

Si Nikki De Moura ng Cagayan de Oro ang itinanghal bilang Miss Grand Philippines. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News