Sa kaniyang mga pinagdaanan sa buhay, inihayag ni Baron Geisler na mahalagang natututo siya at muling bumabangon para maitama ang kaniyang mga pagkakamali.

“I’m not perfect, I’m a work in progress. Nagkakamali pa rin ako, pero ang pinaka-importante tayo agad. Laban. Show up,” sabi ni Baron sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

Para kay Baron, ang pinakamahalaga ngayon sa kaniyang buhay ang mga relasyon niya sa kaniyang mga minamahal at mga kaibigan, at ang pagpapakatotoo sa sarili.

“At this point sa buhay mo ngayon Baron what matters the most?” tanong kay Baron ni Tito Boy.

“Relationships. What matters is being authentic to myself and to the people around me,” sagot ni Baron.

Ayon kay Baron, tapos na siyang mag-“perform” o magkunwari sa kaniyang buhay.

“Kasi once I am in my true form, being authentic with the way I feel and think, everything will follow. And I don’t have to perform, I’m done performing and people-pleasing. It’s high time for me to just be me.”

Kung mayroon man siyang dapat gampanan, ito ay ang tungkulin niya sa Maykapal at sa kaniyang pamilya.

“And if ever I do I have to perform and give all my service to, is aside from my career, it’s Him and my family. It’s that simple,” saad ng aktor.

Dagdag pa ni Baron, ang pagsunod sa Diyos at sa mga nakatataas ang pinakamahalagang leksiyon na natutunan niya sa buhay.

“Do not go against authority. That goes in general na po ‘yon. Nandiyan ang government, nandiyan ang Panginoon, nandiyan ang ating mga boss, nandiyan po ang ating mga kaibigan na nagmamahal, nagbibigay ng advice.”

Nang hingian ng payo tungkol sa pagiging aktor, inilaan ni Baron ang kaniyang mensahe para sa kaniyang sarili.

“Kausap ko sarili ko ha.. Mahalin ko ang karera ko. Kasi dumating ang time na ilang beses na akong binigyan ng pagkakataon pero I took everything for granted. Mahalin ang mga tao na katrabaho ko, respetuhin sila. Babalik ‘yun nang maganda eh.”

“And also being consistent. Dati kasi sinungaling ako eh,” pag-amin ni Baron. “Haharap ako sa inyo sasabihin ko ‘You know I’m a changed man.’ Pero ang dami palang kailangang iproseso, ‘yung micro, small things.”

Naging mabisyo noon, takaw-gulo, at nasangkot pa sa mga kontrobersiya si Baron. Ngunit nauna nang ibinahagi ng aktor kung paano niya ito nalampasan at sino ang mga nagsilbing daan para sa kaniyang pagbabagong-buhay.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News