Balik-trabaho na si Sophie Albert sa upcoming Kapuso mystery drama-series na “The Missing Husband.” Makakasama niya rito si Joross Gamboa, na lagi raw may punch line.
“Si Joross! Oh my gosh lahat ng masabi mo meron siyang punch line," natatawang sabi ni Sophie sa panayam sa Kapuso Showbiz News.
"So minsan ang hirap magseryoso kapag kasama si Joross,” patuloy ng aktres.
Gagampanan ni Sophie sa serye si "Ria," isang sexy, flirty, at malapit sa mga lalaki. Magkakagusto siya kay Anton, na ginagampanan ni Rocco Nacino, ngunit malalaman niya kalaunan na may partner na pala ito.
Si Joross naman ay gumaganap bilang si Brendan, ang asensado ngunit maluhong charming at mayabang na college schoolmate nina Anton at Millie (Yasmien Kurdi).
“The set of The Missing Husband, it’s very fun, it’s very chill. Since hindi kami masyadong marami rito, very bonded na kaming lahat dito. It’s a very happy set,” sabi ni Sophie.
Tungkol sa kaniyang karakter, sabi ni Sophie, “Siguro dapat ma-confuse kayo sa kaniya. You don’t really know what she’s up to, hindi mo maintindihan kung anong side ba talaga siya at ano ba talaga ang gusto niyang mangyari sa buhay. So mako-confused talaga kayo, kasi kahit ako minsan nako-confused din ako sa kaniya eh.”
--FRJ, GMA Integrated News