Naging kapitbahay na ng mga residente sa Indang, Cavite ang mga bugkon o Southern Luzon giant cloud rat, na bagama't mailap ay naninirahan na sa kisame ng kanilang mga bahay. Tunghayan ang ginawang pagsagip ng "Born to be Wild" sa mga nahuling bugkon.

Isang bugkon ang naninirahan sa kisame nina Chito Manlalo na ayon sa kaniya ay maitim at malago ang balahibo.

Napeperhuwisyo raw sila sa gabi dahil sa ingay na ginagawa ng cloud rat, kaya plano niya itong alisin. Umiihi rin ang bugkon sa may bubungan, kaya nagmarka ito at inamag na.

Sa pagsilip ni Dr. Nielsen Donato sa kisame, nakita niyang namugad na at tila kumportableng naninirahan ang naturang hayop. Kabisado na rin nito ang lugar at ang mga pagkukuhanan ng pagkain.

Dahil dito, nakiusap si Dr. Nielsen kay Chito na patirahin na lang muna ang bugkon sa kanilang kisame.

Sa kaparehong barangay, isa pang Bugkon ang natagpuan naman ni Erick Bernardo sa gitna ng kalsada. Tatawid dapat ito pero maraming sasakyan.

Sa pagsusuri ni Doc Nielsen, nakita niyang maganda ang kondisyon at walang mga sugat ang babaeng bugkon, kaya maaari itong pakawalan sa ilang.

Tanging sa Pilipinas lamang matatagpuan ang Southern Luzon giant cloud rat, na vulnerable o may banta na sa kanilang bilang dahil sa patuloy na paghuli sa kanila para gawing alaga o karne.

"Ang mga cloud rat ay mahalaga para sa environment. Isa rin po kasi siya sa nagbibigay ng balancing sa ecosystem natin," sabi ni Josephine Aguda, Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) ng Cavite.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News