Natangay ng dalawang holdaper ang mahigit P4 milyon mula sa isang Indian sa Quezon City, at sinaksak pa ng mga salarin ang biktima.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes ni James Agustin, sinabing ang isa sa mga suspek ay nakatira sa katabing unit ng condotel na inuupahan ng Indian sa Cubao area.
Nakuhanan ng CCTV ng condotel ang pagpasok at paglabas ng dalawang suspek, bago at pagkatapos ng pangho-holdup.
Dagdag ng ulat, sinabi ng mga pulis na sugatan ang biktima matapos saksakin ng mga suspek sa tagiliran.
Natangay ng mga holdaper ang mahigit na P4 milyon, ayon sa mga awtoridad.
Pahayag ni Police Brig. Gen. Nicolas Torre III, Quezon City Police District director, "Dalawa ang nang holdap pero kilala ng biktima ang isa sa kanila dahil magkatabing unit sila."
Lending umano ang negosyo ng Indian, ayon kay Torre.
Dagdag pa niya, "Nakipagbuno siya (Indian) sa isa sa mga salarin at nasaksak siya, at nakita pa mismo ng anak ng bikitima. Kaya, may witness."
Sa follow-up operation ng mga pulis nahuli ang isa sa mga salarin na nakatira sa katabing unit na inuuapahan, at kakilala ng biktima.
Pahayag ng suspek na si Rommel Roz, nagkataon lamang na nandun sila sa lugar nang mangyari ang krimen. Pero hindi sila ang gumawa.
May galit lamang umano sa kanya ang Indian dahil may utang pa siya na hindi pa niya nababayaran.
Dagdag pa ng suspek, "May galit sa akin kasi pagka hindi pa ako nakapagbayad sa kanya, gagawa siya ng aksyon para maipit ako.
Sasampahan na si Rommel ng reklamong robbery with frustrated homicide. Patuloy naman na tinutugis ng QCPD ang isa pang suspek. —LBG, GMA Integrated News