Aabot P4 milyon halaga ng shabu ang nasamsam mula sa isang Nigerian na nagpakilala umanong isang pastor.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing naaresto ang Nigerian na si Ubatuegwu, na nagpakilalang pastor ng isang Christian church sa Las Piñas.
Inaresto ang suspek ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Inter-Agency Interdiction Task Group dahil sa isang parcel na naglalaman ng kumpirmadong shabu na dumating sa naturang paliparan noong Huwebes.
Nakadeklara ang parcel na isa umanong electric steamer. Ngunit nang idinaan sa scanner, naglalaman ito ng isang kahina-hinalang bagay, na napag-alaman batay sa pagsusuri, na shabu.
Umabot sa 588 grams ang timbang ng shabu na nagkakahalaga ng tinatayang halos P4 milyon.
Galing Lao PDR ang parcel. Agad umanong hinanap ng mga awtoridad ang receiver na nakasulat sa parcel. Nag-book sila ng delivery rider na mag-deliver sa addressee.
Tinanggap ng isang babae ang package sa harap mismo ng simbahan kung saan nakatira ang pastor na Nigerian.
Nakiusap ang babae na tawagin na lamang siyang "White Butterfly." Iginiit niyang inutusan lamang siya ng girlfriend ng pastor sa kunin ang parcel.
Depensa ni Ubatuegwu, wala siyang alam na may laman na droga ang parcel.
Ayon sa mga awtoridad, aalamin nila kung kabilang sa West African Syndicate si Ubatuegwu.
Iimbestigahan din si White Butterfly kung talagang wala siyang kinalaman sa krimen.
Pinaghahanap na umano ngayon ang nobya ng pastor. —LBG, GMA News