May tungkuling manghuli at pumatay ng iba pang insekto, masakit ding mangagat ang mga assassin o kissing bugs. Pero bakit nga ba sila kinokonsidera bilang "bida" pagdating sa kalikasan?
Sa “Born To Be Wild,” makikita sa isang halamanan sa Castillejos, Zambales ang paglantak ng mga batang leaf-footed bug sa mga maliliit na bunga ng ampalaya, na kanilang binubutas para kainin ang laman.
Kaya naman itinuturing na peste ang mga leaf-footed bug dahil sa bilis nilang kumain ng bungang prutas at halaman, saka sila mangingitlog sa loob.
Sa kabilang banda, hindi naman nakaligtas ang isang babae mula sa kagat ng isang assassin o kissing bug sa Angono, Rizal, na itinampok na rin ng programa noong Nobyembre 15, 2020.
Gayunman, hindi mga tao ang target ng kissing bugs, na silang kumukontrol ng dami ng iba pang insekto.
Ayon kay Dr. Ferds Recio, nagkakaroon ng mga mapanganib na epekto sa kalikasan kapag hindi balanse ang bilang ng prey sa predator.
Kung kaya naman iisipin sa una na kontrabida ang mga assassin bug, pero sila ang bida dahil puwede nilang kontrolin ang dami ng leaf-footed bug.
Sa ibang bansa, ginagamit din ang assassin bugs bilang pambawas ng dami ng army worms na itinuturing na ring peste at mapaminsala sa Pilipinas. — Jamil Santos/VBL, GMA News