Nasawi ang isang barangay volunteer matapos siyang barilin habang natutulog dahil sa pagsita niya sa isang vendor na umiihi sa kalsada sa Malate, Maynila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Danilo Florida, 63-anyos at isa ring namamasada ng pedicab.

Sa CCTV ng Barangay 762, mapapanood na paikot-ikot sa Dominguez Street ang dalawang lalaking sakay ng bisikleta Lunes ng gabi.

Ilang sandali pa, narinig ang putok ng baril sa kanto ng Dominga at P. Ocampo, kung saan binaril na pala si Florida habang natutulog sa kaniyang pedicab.

Agad namang tumakas ang mga suspek.

Idineklarang dead on arrival si Florida nang isugod sa ospital.

Kuwento ng isa sa kaanak ng biktima, may sinitang vendor si Florida ilang oras bago mangyari ang pamamaril.

"Sinita po 'yung vendor, umiihi. Tapos nagkamurahan, nagkaroon ng habulan. Naglabas ng kutsilyo 'yung nagtitinda. Nagbanta na 'yung [vendor]. "Babalikan ko 'yun... Umiihi lang ako,'" anang kaanak ng biktima.

Magkahalong hinagpis at galit ang nararamdaman ngayon ng mga kaanak ni Florida, dahil ginagawa lang ng barangay volunteer ang kaniyang tungkulin.

Ayon sa kapitan ng Barangay 762 na si Jet Fabian, malaking kawalan si Florida na boluntaryong nagsisilbi sa barangay.

"Napakabuti pong tao ni Mang Dany, considering po sa nagagawa niyang pagdidisiplina sa mga taong may city ordinance violations katulad ng mga nakahubad, pag-ihi sa kalye," sabi ni Fabian.

Natunton ang mga suspek na magpinsang sina Raymond at Rodrigo Dela Cruz sa follow-up operation ng mga awtoridad.

Nabawi sa kanila ang baril na ginamit sa pagpatay sa barangay volunteer.

Si Raymond ang nakaalitan at nakatalo ni Florida dahil sa kaniyang pag-ihi, pero hindi niya inutusan ang pinsan na patayin ang biktima.

"Sinama ko siya roon para ipakita sa kaniya na kung sakaling may mangyari sa akin siya (Florida) ang may gawa. Kasi po nagkabunutan po kami ng kutsilyo eh. Dinaanan po namin siya, naka-bike po kami kaya lang nawala siya sa likod ko. 'Yun pala pinutukan na niya," sabi ni Raymond.

Umamin naman ang pinsang si Rodrigo na binaril niya ang biktima.

"Nabigla rin ako, ang bilis ng pangyayari. Panay ang mura niya eh, kaya nakalabit ko ang gatilyo," ani Rodrigo.

Dati nang nakulong si Rodrigo dahil sa kasong homicide.

Sasampahan ang magpinsan ng reklamong murder. — Jamil Santos/VBL, GMA News