Labis na ikinalungkot ni Kris Bernal ang limang beses nang pagkakaudlot ng kasal nila ng fiancé na si Perry Choi dahil pa rin sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

“Siguro mga four times na siyang nausog. Actually parang pang-lima na naman," sabi ni Kris sa Unang Hirit.

“Actually, kaka-announce ko lang parang a week before na it's going to happen on September 25. So, one month to go na lang, di ba?" pagpapatuloy ng aktres.

Gayunman, tila hindi na naman matutuloy ang kasal nila ni Perry nitong Setyembre.

“But then, since just yesterday, we decided.. Ahh sobrang na-depressed talaga ako, as in hindi ako makausap kahapon kasi finally nag-decide na kami na kailangan talaga namin siyang i-move because of the COVID surge nga. Ang taas-taas ngayon 'di ba?” ani Kris.

Bago nito, inanunsyo na ni Kris sa YouTube ang tungkol sa petsa ng kanilang kasal.

"Kaka-announce ko lang, so sabi ko nga 'Kaka-announce ko lang sa YouTube ko, so paano ko ia-announce na babawiin ko ulit?' Sabi ko pa naman 'My countdown to my big day'... Nakakaloka. Actually hindi ko pa ina-announce, dito pa lang sa Unang Hirit na mamu-move na naman."

Magallanes Church ang napiling venue ng kasal nina Kris at Perry.

“Somehow lumaki rin ako roon sa area (Magallanes) na 'yun eh. Doon din ako nag-church kaya napili ko 'yon and, at the same time, kasi gusto ko nga grand lahat,” sabi ni Kris.

Sa kabila ng ilang suhestiyon para sa mga alternatibong seremonya ng kasal, sinabi ni Kris na gusto pa rin niya ng enggrande.

“Alam mo, sabi nga nila 'Kris, ang arte arte mo. Bakit hindi ka na lang mag-civil, mag-simple wedding?' Pero ako kasi 'yung tao na gusto ko grand lahat. So gusto ko 'yung may grand entrance, may malaking door tapos gusto ko 'yung dahan-dahan ako... ganon,” anang aktres.

Na-engaged si Kris nang mag-propose sa kaniya si Perry Pebrero noong nakaraang taon.

Nagplano siya noon ng birthday surprise para kay Perry, pero siya ang higit na nasorpresa nang biglang mag-propose ang binata. —LBG, GMA News