Humahataw na muli sa dancefloor sa isang nightclub ang mga taga-Wuhan, isang taon matapos na maging sentro ng COVID-19 sa China, at sinasabing pinagmulan ng nakamamatay na virus.
Sa video ng Agence-France Presse, makikita ang mga tao na umiindak sa maingay ng tugtog at malilikot na ilaw sa nightclub.
Mayroon pang nakitang naninigarilyo sa loob ng nightclub, at ang iba ay wala na ring suot na face mask.
Gayunman, bago umano makapasok sa club ay kailangan may suot na face mask at dapat ma-check ang body temperature.
Ang mga mataas sa 37.3 degrees Celsius ang temperatura, hindi puwedeng maki-party.
Masaya ang mga nakapasok sa club dahil makakapaglibang na sila matapos ang naranasang quarantine dahil sa virus.
"I was stuck inside for two or three months... the country fought the virus very well, and now I can go out in complete tranquility," ayon sa isang lalaki.
May isa naman na pinuri ang kanilang gobyerno sa China.
"The Chinese government is good. The Chinese government does everything for its people, and the people are supreme. It is different from foreign countries," aniya.--AFP/FRJ, GMA News