Napawalang-sala at nakauwi na sa Pilipinas ang isang OFW na pitong taong nakulong sa Saudi Arabia matapos mapagkamalang pumatay sa kaniyang among Lebanese.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing 24-anyos pa lang ang OFW na si "Hope," 'di niya tunay na pangalan, nang magpunta sa KSA noong 2013 para magtrabaho bilang kasambahay.

Pero mahigit dalawang linggo pa lang siya sa trabaho, tatlong lalaki umano ang pumasok sa bahay ng kaniyang amo, habang nagtatapon ng basura sa labas si Hope.

"May pumasok na tatlong lalaki, doon pinasok sila sa bahay, and I think the main motive was robbery. Ang nangyari when she went in sa bahay, nakita niya na parang nagkakagulo na, hinawakan siya nu'ng isa and then both of them actually were raped by the assailants," ayon kay Ambassador Adnan Alonto ng Philippine Embassy to the KSA.

"Hindi pa nakuntento 'yung tatlo, pinatay pa 'yung babaeng employer niya," sabi pa ng opisyal.

Dahil walang ibang testigo sa krimen, si Hope ang inimbestigahan at naging akusado.

"Mga limang minuto po ako ininterview, may interpreter ako na hindi ko po alam kung Indian 'yun o ano, after po nu'n pinosasan po nila ako, diretso sa sasakyan," ayon kay Hope.

Tumagal umano ang paglilitis kay Hope dahil sa kawalan ng ibang testigo sa krimen.

Hindi rin umano dumalo sa pagdinig ang kaanak ng napaslang na Lebanese.

Pero dahil sa pagiging matatag ni Hope sa kaniyang testimonya, pinawalang-wala siya ng korte.

"Lahat ng sakit tiniis ko nang mag-isa. Ilang buwan din po akong nag-solo, may kasamang ibang lahi. Tiniis ko po siya kasi sabi ko sa sarili ko pagsubok ito ng itaas eh. Hindi ko ito gagawin kung hindi ko ito kaya," sabi ni Hope na dumating sa bansa noong nakaraang linggo.

Ngayong nakauwi na sa bansa, nais ni Hope na magsimulang muli.

"Kailangan kong bumangon kasi may tao namang nakasuporta. Unang-una 'yung itaas, hindi ako binitawan, pangalawa 'yung buong gobyerno, bakit ako susuko kung 'yung mga nasa paligid ko hindi ako binitawan," saad niya.

"'Yung pag-start ng panibago or pangalawang buhay ko, 'yun na ang pinakamagandang gift sa akin for this Christmas," ayon pa kay Hope.--FRJ, GMA News