Mahigit 60,000 Filipino seafarers na ang stranded sa iba't-ibang parte ng mundo dahil sa krisis ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa grupo ng United Filipino Seafarers.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa “24 Oras” nitong Martes, sabi ng United Filipino Seafarers President Engineer Nelson Ramirez na kasama sa mga stranded na Pinoy ay ang mga nagtatrabaho sa dagat, port o anchorage.
“When you say stranded, meaning they have finished already their contract and they have extended their contract so whether they’re in sea or in port or the anchorage basta mga ganoon,” ani Ramirez.
Dagdag pa niya, isa raw sa mga naging problema kung bakit stranded pa rin ang mga Pinoy seafarers ay dahil limitado lang ang mga pumapayag na lugar na dumaong sa kanila ang mga barko para makapagpalit ng crew.
Regular ang suplay ng pagkain ng OWWA, ang problema ang pambayad sa tinitirhan nilang dormitoryo na P170 per day.
Sa ngayon, 13 bansa pa lang ang pumapayag sa pagdaong ng mga barko.
Kahit sa Pilipinas, tanging sa Port of Manila lang pinapayagan ang crew change.
“Gusto rin ng mga ship owners, manning agencies na ibaba na talaga ‘yong mga marino pero nalulungkot ako na may mga marino na kahit dito na mismo sa sarili nating bansa ay ‘di pa sila makababa,” ani Ramirez.
Dahil dito, sumulat ang United Filipino Seafarers sa Inter-Agency Task Force para idulog ang naturang problema.
Ngunit ayon kay Maritime Industry Authority (MARINA) administrator Vice Admiral Robert Empedrad, ang Port of Manila pa lang ang pinapayagan dahil ito pa lang ang may kapasidad na mag-test at tumugon sa mga kaso ng COVID-19.
“Manila lang ang capacitated to do some testing, mayroong quarantine facility, while other ports are not capacitated to undergo crew change,” ani Empedrad.
Dagdag niya pa, pinag-aaralan na rin ngayon na payagan na ang crew change sa iba pang pier sa bansa.
“‘Pag puwede na, then we decide to open the ports for crew change. Kasi mahirap sa Manila pila-pila di ba? So sabi eh magastos maghintay, but soon when we open up batangas, when we open up Subic in the future, luluwag na ang Manila so mas lesser ‘yong cost ng pag-conduct ng crew change dito sa Pilipinas,” ani Empedrad.
Pinag-aaralan na daw ang crew change sa ibang parte ng bansa. -- Ma. Angelica Garcia/BAP, GMA News