Pumanaw na ang batikang GMA 7 reporter at film director na si Cesar Apolinario, na napapanood sa Kapuso show na "iJuander." Siya ay 46 na taong-gulang lang.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing sakit na lymphoma ang sanhi ng pagpanaw ni Cesar.

Nang magtapos sa kursong Communication Arts sa University of Santo Tomas, nagsimulang magtrabaho sa Kapuso Network si Cesar bilang cameraman-researcher.

Bukod sa pagiging reporter, gumawa rin ng mga dokyumentaryo si Cesar para sa "I-Witness," "Brigada," at "Born to Be Wild."

Sa "i-Juander" kung saan kasama niyang host si Susan Enriquez, ipinakikita nila ang mga kuwento at kultura ng mga Pinoy.

WATCH: Balikan ang ilang kakaibang karanasan ni Cesar Apolinario sa 'iJuander'

Nagdirek din ng pelikulang "Banal" si Cesar, na naging bahagi ng Metro Manila Film Festival, na pinagbidahan nina Paolo Contis, Alfred Vargas, at Christopher De Leon.
Siya ang itinanghal na Best Director sa Gabi ng Parangal.

Naging co-director din siya ng "Dance of the Steel Bars" na pinagbidahan ng Irish actor na si Patrick Bergin at Kapuso primetime king Dingdong Dantes.

Bago nito, ginawa rin niya ang "Puntod," na pinagbidahan ni Barbie Forteza.

Nitong nakaraang taon, ipinalabas sa programang "Wagas" ang love story nina Cesar at misis niyang si Joy, na pinamagatang "Karugtong Ng Damdamin."-- FRJ, GMA News