Patay ang dalawang akyat-bahay matapos makipagpalitan ng putok sa pulisya nang mahuli silang nagtatangkang tumangay ng gamit mula sa isang bahay sa Barangay Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente pasado alas dose ng hatinggabi.
Ayon sa isa sa mga nakatira sa bahay, nanonood siya ng telebisyon nang madinig niya na may pumupukpok.
Pagkasilip niya sa bintana, nakita niya ang dalawang lalaking nasa akto ng pagnanakaw.
"Nanonood ako ng TV. Tapos noong sinilip ko, nakita ko may pumasok na dalawang lalaki... Sa takot ko dahil ho, baka po biglang, nakita ko po kasi nu'ng pagsilip ko may baril na hawak-hawak."
Dito na siya tumawag ng pulisya.
Pagdating ng pulisya sa area, biglang nagpaputok ang dalawa. Dito na gumanti ng putok ang mga awtoridad kaya dead on the spot ang dalawang suspek na hindi pa rin nakikilala.
Nakuha mula sa mga salarin ang motor na kanila sanang get-away vehicle, isang .45, at isang .357 revolver.
Nabawi naman ang TV, mga CPU, at laptop mula sa mga suspek.
"As of now, tinitingnan pa ng SOCO kung may mare-recover na identification cards itong mga suspek na na-neutralize and later on we will check sa database namin kung may mga previous involvement na itong dalawang suspects dito," sabi ni Supt. Rossel Cejas, Station Commander, ng QCPD Station 4.
May ilang insidente ng pagnanakaw ang narekord sa barangay kaya tinitingan ng mga awtoridad kung may kinalaman ang dalawang napatay sa iba pang kaso. — Jamil Santos/ LDF, GMA News