Dahil wala pa ring nakakakuha sa jackpot prize na P850 million sa 6/58 ultra lotto, aasahang mahaba pa rin ang pila sa mga lotto outlet sa pagpalo pa ng premyo sa P885 million.

Kung sakaling manalo, may ilang proseso na kailangan sundin ang mananaya para makuha ang jackpot mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, nagbigay ng mga paalala ang PCSO.

"'Yung ticket nila makikita po ang halaga nito lalo na pagka nanalo. So importante po na sa likod pa lang ay sinusulat na ang pangalan at pinipirmahan. Ang importante po sa lahat ay 'yung bar code. 'Pag ito po'y nalukot, maaaring hindi po ito mabasa nang maayos ng lotto terminal.

"'Yung serial number naman po sa baba, dapat po ito ay nababasa at malinaw," pahayag ng Gaming, Product, Development and Marketing Sector Manager na si Arnel Casas ng PCSO.

May mga requirement naman para sa mga tumama sa anim na number combination para i-claim ang cheke sa main office ng PCSO sa Mandaluyong.

"Dapat po niyang gawin, mag-ready po siya ng dalawang valid IDs. Hangga't maaari po ito 'yung government-issued IDs na mayroong pirma sila. Policy po ng PCSO, talaga pong we issue checks sa name ng winner. Hindi po kami nagbabayad ng cash," sabi pa ni Casas.

Kung tumama naman sa tatlo o apat na numero, sa kahit na anong lotto outlet puwedeng makuha ang cash prize na hanggang P10,000.

Ang mga naka-limang numero o higit P10,000 naman ang premyo, maaari itong kuhanin sa mga PCSO branches.

Si "Andy," isang lotto winner, ay naka-jackpot ng limang numero nitong Miyerkoles ng gabi sa 6/45 lotto draw.

"Napanaginipan ko po. Nagulat na lang ako, akala ko apat lang. Pero nu'ng tiningnan ko nang maigi, lima pala nakuha," sabi ni Andy.

Nanalo si Andy ng P40,000, na malaking tulong na sa kaniya dahil hindi aniya permanente ang kaniyang trabaho bilang isang mekaniko.

"Ipagamot ko nanay ko, tapos 'yung iba, ilalagay ko sa bangko," ayon kay Andy. —Jamil Santos/LBG, GMA News