Tila nagbigay ng clue si Jelai Andres tungkol sa bagong non-showbiz girlfriend ng kaniyang best friend na si Buboy Villar.

Sa teaser para sa next episode ng vodcast na "Your Honor," na nagsibling advanced celebration din para sa kaarawan ni Buboy, nagbanggit si Jelai ng pangalan tungkol sa bagong nobya ng comedian.

"Isay ang pangalan! Isay," paglaglag ni Jelai.

Samantala, inilahad ni Buboy ang kaniyang kondisyon para sa babae na kaniyang mamahalin.

"Number one rule ko talaga, bago mo ako mahalin, gusto ko lang sana maintindihan mo ang sitwasyon ko. Meron akong dalawang mga anak, at kailangan mas mahal mo sila, kasi sila ang buhay ko. Ngayon kapag hawak mo ang buhay ko, hawak mo rin ako," sabi niya.

Nagpasalamat si Buboy sa kaniyang kasalukuyang girlfriend.

"Talagang sobrang blessed ako sa kaniya. Proud ako sa karelasyon ko, proud ako na mahal niya kaming mga anak ko," aniya.

Matatandaang sa January episode ng Fast Talk with Boy Abunda, inilahad ni Buboy na masaya ang estado ng kaniyang lovelife.

"Masasabi ko lang Tito Boy I'm happy, sobrang happy ko ngayon," sabi niya. "I'm blessed Tito Boy dahil siyempre merong taong dumating sa atin na nagke-care sa atin of course."

Ayon sa kaniya, non-showbiz ang kaniyang nobya, at hindi na niya binibilang kung nakailang buwan o taon na sila.

“Hindi na po ako nagbibilang ng taon, basta ang importante araw-araw,” sabi ni Buboy.

Mayroong dalawang anak si Buboy sa kaniyag dating partner na si Angillyn Gorens.

Abangan ang sorpresa ng Your Honor sa Vice Chair na si Buboy. Mapapanood ang weekly session ng "Your Honor tuwing Sabado pagkatapos ng "Pepito Manaloto," 8:15 pm, at YouLOL livestream. --FRJ, GMA Integrated News