Iginiit ni Sandro Muhlach na may mas mabigat na kasong kinakaharap ang dalawang independent contractors na inakusahan niya ng panghahalay.
Inihayag ito ni Sandro matapos na ibasura ng Pasay Metropolitan Trial Court ang kasong acts of lasciviousness na inihain ng aktor laban kina Jojo Nones at Richard Cruz.
Ang pasya ng korte ay tugon sa inihaing motion to quash ng dalawang akusado laban sa two counts of acts of lasciviousness na isinampa ni Sandro laban sa kanila.
Sa pag-apruba ng korte sa naturang mosyon, ipinaliwanag sa desisyon na ang acts of lasciviousness ay bahagi na ng hiwalay na asuntong rape through sexual assault na isinampa ng aktor laban sa dalawang contractor sa Pasay Regional Trial Court.
Kaya magiging "overkill" na umano ang asuntong acts of lasciviousness case.
Sa Instagram story, sinabi ni Sandro na hindi ibinasura ng korte ang mas mabigat na kaso na isinampa niya laban sa dalawa.
"The court removed the acts of lasciviousness charge because it's already part of the sexual assault case, which is still ongoing. Meaning, mas matindi ang magiging kaso," saad ni Sandro.
Maghahain din umano sila ng motion for reconsideration sa Pasay METC kaugnay sa naging pasya nito.
"But we will still file for reconsideration for acts of lasciviousness. Hindi sila makakalusot dito at ilalaban ko 'to hanggang sa huli! I will make sure na hindi na kayo makakaulit sa iba! #ENDRAPE," ayon sa aktor.
Samantala, sa pahayag na binasa sa "Fast Talk with Boy Abunda," sinabi ni Atty. Maggie Abraham-Garduque, abogado nina Nones atCruz, na masaya sila sa desisyon ng korte.
"We already received the resolution on that and we are very happy that the court saw the legal infirmity that we have been raising since the onset of the case," anang abogado.— FRJ, GMA Integrated News