Wala nang pag-asang magkabalikan pa ang "Bennifer" matapos na maging pinal na ang diborsiyo nina Ben Affleck at Jennifer Lopez, ayon sa ulat ng People Magazine nitong Martes.
Base umano ang impormasyon sa nakuhang court documents ng naturang babasahin.
Noong August 20, 2024 naghain ng diborsiyo si Jennifer mula kay Ben. Sa isinumiteng dokumento ng singer-actress, nakasaad na April 26, 2024 sila naghiwalay ng aktor.
Dati nang magkarelasyon ang dalawa at unang naghiwalay noong 2004. Pero nagkabalikan ang dalawa noong 2021.
July 2022 nang magpakasal sina Ben at Jennifer sa isang intimate wedding ceremony sa Las Vegas, at muli pang nagpakasal sa Georgia noong August 20, 2022, eksaktong dalawang taon nang maghain ng diborsiyo si Jennifer. -- FRJ, GMA Integrated News