Opisyal nang engaged sina Zendaya at Tom Holland, ayon sa ulat ng US media outlets.

Samantala, isa ring family source ang nagkumpirma ng engagement ng dalawa sa People Magazine.

Isa pang source ang nagsabi sa People na “for a while” nang gustong mag-propose ni Tom kay Zendaya.

“Everyone close to them knew an engagement was happening," saad ng source, at idinagdag na inanunsyo na ni Tom ang engagement nila ni Zendaya sa kaniyang mga kaibigan noong Bagong Taon.

"He's always been crazy about her. He always knew she was the one. They have something very special," anang source.

Gayunman, hindi rin nagmamadali ang dalawa na magpakasal.

"They will just enjoy things for now. They are both busy with work projects," anang source.

Sinabi naman ng TMZ na hindi na gumawa si Tom ng "huge show of the engagement" at "very romantic and intimate" ang naging proposal.

Ayon sa kanilang mga source, tinanong ni Tom si Zendaya noong mga araw sa pagitan ng Pasko at Bagong Taon sa isa sa family homes ni Zendaya sa US.

Lumabas ang kumpirmasyon matapos mamataan si Zendaya na nakasuot ng diamond ring sa kaniyang kaliwang ring finger sa Golden Globe Awards, na humantong sa mga espekulasyon online.

Sa naturang awards, isang Los Angeles Times reporter ang nagtanong tungkol sa kaniyang singsing.

Bilang tugon, si Zendaya "smiled coyly and shrugged her shoulders mysteriously."

Unang naging usap-usapan na dating sina Tom at Zendaya matapos bumida bilang sina Peter Parker at MJ sa 2017 blockbuster ng Marvel na "Spider-Man: Homecoming."

Noon ding 2021, namataan ang dalawa na magkahalikan sa loob ng isang kotse.

Tinawag ni Tom si Zendaya na "my MJ" sa kaarawan ng dalaga noong 2021, at tumugon naman si Zendaya nang tawagin niya si Tom na "my Spider-Man." — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News