Nakausap ng "It's Showtime" hosts via video call sa Amerika ang kauna-unahang Asian na nanalo sa "The Voice USA" na si Sofronio Vasquez. Dito, ikinuwento niya na may kasamang pa-blind item ang malalim na koneksyon sa Pilipinas ng kaniyang naging mentor/coach sa show na si Michael Bublé.

Ayon kay Sofronio, hanggang ngayon ay nagiging emosyonal pa rin siya sa pagkapanalo sa naturang singing competition sa Amerika na pangarap lang niya noon pero natupad na.

Inihayag din niya na proud siya na nagsimula siya sa "Tawag ng Tanghalan," ang sinalihan niyang singing contest noon sa "It's Showtime," na naging third runner-up siya.

"Proud po ako na nagsimula ako sa Tawag ng Tanghalan. Kasi [ang] Tawag ng Tanghalan ng It's Showtime ang unang naniwala sa akin," sabi pa ni Sofronio.

Sa kaniyang journey sa pagsali sa The Voice USA, ikinuwento ni Sofronio na noong una, ang Utica, New York, kung saan siya naninirahan, ang dapat na kakatawanin niya sa kompetisyon.

Nagpapasalamat si Sofronio dahil ang mismong producer ng show ang nagsabi sa kaniya na katawanin niya ang Pilipinas. Wala pa raw kasing naging kalahok sa show na full blooded Filipino, at born and raised sa Pilipinas, na kaniya namang sinunod.

Naging coach naman ni Sofronio sa kompetisyon si Michael Bublé. Inihayag umano sa kaniya ng Canadian singer-songwriter ang deep connection niya sa Pilipinas.

"Kumpare niya daw po si Martin Nievera at mayroon daw po siyang naka-date na kilala nating lahat na diyosa sa atin," natatawang pagbabahagi ni Sofronio.

"Uy sino yan?," tanong mga host. "May pa-blind item."

Nang tanungin si Sofronio kung ano ang maipapayo niya sa ibang nangangarap din na katulad niya, sinabi niya na huwag susuko kahit ilang beses ma-reject.

"Kahit anong...ilang beses kang na-reject hindi talaga siya nagpapatunay na wala ka nang chance," ani Sofronio.

"Sino ba namang mag-iisip na ako bisaya, galing sa Mindanao, trying to be someone in music, lahat ng audition sinubukan ko, pero 10 years after naibigay sa akin. So hindi talaga siya ano... 'pag hindi mo lang titigilan," patuloy niya.

Muli ring pinasalamatan ni Sofronio ang lahat ng mga sumuporta sa kanila, lalo na ang mga Pinoy at Fil-Am. --FRJ, GMA Integrated News