Nanawagan ang bandang Aegis sa publiko na huwag maniwala at itigil ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa namayapa nilang vocalist na si Mercy Sunot.

Sa post ng banda sa official Facebook page nitong Miyerkoles, inihayag nila na walang katotohanan na mayroon bisyo si Mercy, na pumanaw dahil sa sakit na cancer.

"Kami po ay taus-pusong nananawagan sa lahat na huwag po sanang paniwalaan ang mga kumakalat na maling impormasyon tungkol kay Mercy. Hindi po siya gumagamit ng anumang bisyo, at siya ay hindi naninigarilyo o umiinom," ayon sa OPM band.

Nilinaw din ng grupo na walang panayam na ginawa sa kapatid ni Mercy at bokalista rin ng banda na si Juliet.

"Wala rin pong anumang panayam na ibinigay si Juliet na naglalaman ng mga pahayag laban sa kanyang kapatid. Nais po naming humiling ng respeto, hindi lamang para kay Mercy, kundi pati na rin para sa kanyang pamilya," pakiusap nil.

Nakikiusap ang Aegis na irespeto, hindi lang si Mercy kung hindi maging ang nagluluksa nitong pamilya.

"Sa paghahangad ng atensyon at 'clicks,' nawawala po ang paggalang sa dignidad ng mga yumao. Sana po, makapagbigay ito ng pagkakataon sa lahat na magmuni-muni at maging mas responsable sa pagbabahagi ng impormasyon. Maraming salamat po sa inyong pang-unawa," saad ng banda.

Bago pumanaw, nag-post ng video si Mercy sa social media upang humiling ng dasal para sa kaniyang paggaling matapos siyang sumailalim sa lung surgery.

Kabilang sa mga hit song ng Aegis ang “Sinta,” “Luha,” “Basang-basa sa Ulan," at marami pang iba. — FRJ, GMA Integrated News