Itinanghal na kauna-unahang Miss Universe Asia ang pambato ng Pilipinas na si si Chelsea Manalo.
Inanunsyo sa isang press conference pagkatapos ng Miss Universe pageant na ginanap sa Mexico City nitong Linggo (oras sa Pilipinas).
Sa Instagram, ibinahagi ng Miss Universe Philippines 2024 ang isang video ng pagbati ni Chelsea para sa kaniyang mga kababayang Pilipino.
"Mabuhay ang Pilipinas! We are making history as Miss Universe Asia," saad niya sa video.
Nakatakdang mag-ikot ang Bulakenya beauty queen sa iba’t ibang bahagi ng Asya, at makakasama sa ilang official trips ng Miss Universe organization.
Maagang nag-exit si Chelsea sa Miss Universe 2024 pageant, na nagtapos sa Top 30.
Hindi man nakuha ni Chelsea ang ikalima sanang korona para sa bansa, ipinakita niya ang maganda laban, at ipinamalas ang "Tampisaw Walk" sa swimsuit competition.
Ang pambato ng Denmark na si Victoria Kjaer Theilvig ang itinanghal na Miss Universe 2024, at kauna-unahang reyna na nagsuot ng Filipino-made crown na "The Light of Infinity," na mula sa Jewelmer ng bansa. --FRJ, GMA Integrated News