Nakapagtala ng panibagong milestone ang "Hello, Love, Again" na pinagbibidahan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo, nang kumita na ito ng P245 milyon sa ikatlong araw ng pagpapalabas nito sa mga sinehan.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing ito ang recorded sales sa mahigit 700 sinehan nationwide.

Mapanonood na rin ang "Hello, Love, Again" sa mga sinehan sa Australia, New Zealand, USA, Canada, Saipan at Guam.

Bago nito, pumalo na ng P85 milyon sa sales sa opening day ang "Hello, Love, Again," na kolaborasyon ng GMA Pictures at Star Cinema ng ABS-CBN.

Sa ikalawang araw naman nito, kumita na ito ng P155 milyon.

Sa direksyon ni Cathy Garcia-Sampana, ang "Hello, Love, Again" ay karugtong ng kuwento ng pagmamahalan nina Joy at Ethan, na ginagampanan nina Kathryn at Alden, sa 2019 blockbuster movie na "Hello, Love, Goodbye." —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News