Kinumpirma ni AiAi delas Alas sa "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes na nakipaghiwalay na sa kaniya ang asawang si Gerald Sibayan.

Sinabi ni AiAi sa kaniyang kaibigan at TV host na si Tito Boy, na ipinaalam sa kaniya ni Gerald na hindi na siya sa masaya [sa kanilang pagsasama] sa pamamagitan ng chat.

"Hiwalay na kami. Last month pa. Basta hindi ko makakalimutan. October 14, nag-chat siya, madaling araw sa Pilipinas. 'Yun nga. Sinabi niya na gusto niya magkaanak at hindi na siya happy," paglalahad ni AiAi.

"So medyo confused ako and shocked, and bakit ngayon? Bakit ngayong oras na 'to? Sana hinintay mo man lang ako makauwi sa Amerika," patuloy niya.

Ayon kay AiAi, isa sa mga dahilan kung bakit nakipaghiwalay si Gerald ay ang kagustuhan nitong magkaroon ng anak.

Ipinagdiwang ng aktres ang kaniyang ika-60 taong kaarawan ngayong Lunes.

Ayon kay AiAi, sinubukan nila ni Gerald na magkaroon ng anak sa pamamagitan ng in vitro fertilization (IVF).

Gayunman, hindi nagtagumpay ang naturang proseso.

“I really tried my best kasi mayroon kaming in vitro. Kahit mahina ‘yung mga eggs ko, tinatry ko mag-IVF,” emosyonal niyang pagbabahagi.

Mayroon umano silang tatlong tembryos pero hindi nabuo ang dalawa.

“Mayroon pa kaming isang embryo eh. Sabi ko sa kanya, kapag nagkapera kami, isu-surprise ko sana siya na ilalagay ko ‘yung baby para magkaroon kami ng baby. Siguro ‘yon 'yung nag-trigger sa kaniya na ayaw niya ng surprise na bibigyan ko siya ng baby,” sabi ni AiAi.

Ayon kay Aiai, sinabi sa kaniya ni Gerald na nasaktan siya nang nawala ang dalawang embryos.

“Sabi ko sa kaniya may isa pa tayo, si Gold. Anak mo rin ‘yon. I-try natin. Parang ayaw niya,” patuloy ng aktres.

Taong 2017 nang magpakasal sina AiAi at Gerald, na kanilang inulit sa Las Vegas noong 2022.

Nitong nakaraang Abril, ipinagdiwang nila ang kanilang ika-10 taong anibersaryo bilang mag-asawa. --FRJ, GMA Integrated News