Sa programang "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, tinanong ng King of Talk ang OPM singer na si Marco Sison kung nangyari ba sa tunay na buhay ang mensahe sa kanta niyang "Si Aida, Si Lorna, O Si Fe," na nahirapan ang lalaki kung sino sa tatlo ang kaniyang pipiliin.
Ayon kay Tito Boy, ang composer na si Louie Ocampo ang gumawa ng naturang classic song, na kinumpirma naman ni Marco, na hiningan niya noon ng kanta.
"Humingi ako ng love song du'n. Napakagaling niyang gumawa ng love song. Ang tagal-tagal mga seven months yata tapos 'yan ang binigay sa akin," kuwento ni Marco.
Ayon sa singer, tinanong si Louie kung bakit ganoon ang tema ng kanta ang ibinigay sa kaniya gayung love song ang hinihingi niya.
"Sabi niya, 'eh 'yan ang tingin ko sa iyo eh," natatawang kuwento ni Marco.
Idinagdag ni Marco na hindi Aida, Lorna, at Fe ang mga pangalan sa kanta, kundi mga sikat na artista, na tinukoy ni Tito Boy na sina Nora, Alma, at Vilma, na pinalitan ng mga pangkaraniwang pangalan.
Pag-amin pa ni Marcos, nangyari sa totoong buhay niya ang pagiging litung-lito sa pagpili sa mga babae nang magkaroon siya ng mga relasyon na sabay-sabay.
"Galing sa experience ko ito kasi ako siyempre, mahilig ako sa babae," sabi ni Marco, sabay linaw na noong kabataan niya iyon.
"Noon 'yon noong bata pa ako. Huwag ganu'n, hindi dapat ganu'n. Siguro dapat hinay-hinay lang, dahan-dahan lang. Siguro one relationship at a time," saad niya.
"Kasi ako noon siyempre nagkakaroon ng sabay-sabay dahil lahat wini-welcome mo. Dala 'yun ng aking kabataan at saka 'yung pagiging probinsyano na naiba, na-overwhelmed ako," patuloy niya.
Kaya payo ni Marco, mas makabubuti na maging "stick to one" na lamang pagdating sa pakikipagrelasyon.
"One at a time kasi 'di ba ganoon naman. Mahirap din sabay-sabay. Marami kang masasaktan. Ayaw kong makasakit," sabi ng singer.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News