Kahit kilalang komedyante, hindi rin nakaligtas ang aktor na si Empoy Marquez sa kuwentong katatakutan matapos na personal umanong makakita ng kaluluwa na walang mukha sa dati niyang pinagtatrabahuhan.

Sa programang "i-Juander" na co-host si Empoy, ikinuwento ng aktor na naging working student siya noong nag-aaral pa sa kolehiyo.

Pumapasok sa isang unibersidad sa Bulacan si Empoy sa umaga, at nagtatrabaho naman sa isang convenience store sa gabi kung saan niya nakaharap ang kaluluwa na walang mukha.

Ayon kay Empoy, Undas noon nang utusan siya ng kanilang manager na magpapalit ng barya sa opisina.

Pero pagpasok niya sa opisina, bumungad ang dalawang kandila na may sindi at may bulaklak.

"Bakit ka'ko may ganito dito?,'" tanong ni Empoy sa sarili. Inisip niya lang na baka hindi na uuwi sa probinsiya ang kanilang manager at doon na mag-u-Undas kaya nagsindi doon ng kandila at naglagay ng bulaklak.

Pero habang may kinukuha pa umano si Empoy, doon na nagpakita sa kaniya ang kaluluwa na hindi niya maaninag ang mukha.

Dahil sa takot, dali-dali niyang pinuntahan ang kanilang manager para sabihin ang kaniyang nakita.

Pero kaagad naman daw nitong tinakpan ang kaniyang bibig at walang naging paliwanag.

Kinaumagahan, humingi umano sa kaniya ng paumanhin ang manager sa ginawang pagbalewala sa gusto niyang sabihin. Nag-aalala lang umano ang manager baka matakot siya at umalis sa panahon na marami ang namimili.

Ayon umano sa manager, ang nakita ni Empoy ay kaluluwa ng isa ring dating tauhan sa store na namatay matapos bangungutin.

Iyon umano ang dahilan kaya sila nagsisindi ng kandila at naglalagay ng bulaklak sa kuwarto tuwing Undas.

Nang malaman umano ni Empoy ang lahat, kaagad siyang nag-out at hindi na muling bumalik pa sa store dahil sa takot.

Ang ipinagpapasalamat na lang ni Empoy, hindi na naulit sa kaniya ang naturang pangyayari.

"All you have to do is pray. Magdasal talaga kayo, kasi most powerful talaga na sandata natin sa mundo... prayers talaga," payo ni Empoy. --FRJ, GMA Integrated News