Binansagan si Herlene Budol noon na "hipon," na paglalarawan na taong maganda ang katawan pero "tapon ang ulo." Ngunit ayon sa actress-beauty queen, minsan na siyang sinabihan ng isang tao na hindi niya kakilala na nakita siya na wala umanong ulo.
Sa programang "i-Juander," sinabing kasabihan sa mga Pilipino na kailangang mag-ingat ang isang tao na nakita na walang ulo dahil maaari itong pahiwatig na may hindi magandang mangyayari sa kaniya.
Kuwento ni Herlene, naglalakad siya nang lapitan siya at tapikin ng isang lalaki para pauwiin na siya.
"May nagsabi sa akin na hindi ko naman kakilala tapos tinapik niya lang ako. Sinabi niya sa akin, 'Ne uwi ka na wala kang ulo,'" ayon kay Herlene.
Malumay at "chill" lang umano na walang halong "OA" ang pagkakasabi sa kaniya.
Umuwi naman si Herlene at isang linggo pa raw siyang hindi pinalabas ng bahay bilang pag-iingat.
Sinunod din niya ang payo ng ama na sunugin ang suot niya nang araw na makita na wala siyang ulo.
Hindi lang si Herlene ang nakaranas na masabihan na nakitang walang ulo ng isang tao na hindi kakilala.
Si Jomari Inion, habang nakikipag-usap sa kaniyang amo ay tinitigan umano ng isang lalaki.
Kinalaunan, lumapit ang lalaki sa kaniya at sinabihan siyang mag-ingat dahil nakita siya nito na walang ulo.
Ayon kay Jomari, sinabihan niya ang lalaki na maaaring namalik-mata lang ito dahil sa kaniyang helmet.
Pero nanindigan umano ang lalaki na wala rin siyang nakitang helmet.
Bilang pag-iingat, inihatid na si Jomari ng kaniyang amo.
Gayunman, habang nasa biyahe, nakaramdam umano si Jomari na tila may nagbabantay sa kaniya at mabigat ang kaniyang pakiramdam.
Dahil sa takot, nagpatingin si Jomari sa albularyo at sinabing may nakita sa kaniya na "itim" na posible umanong tinatawag na "sundo" para sa taong mamamatay na.
Nagsagawa raw ang albularyo ng ritwal kay Jomari at matapos nito ay gumaang na kaniyang pakiramdam.
Ayon kay Prof. Chester Cabalza, Anthropologist, ang paniniwala ng mga Pinoy tungkol sa mga taong pugot o walang ulo ay nagmula pa sa lumang panahon gaya noong pananakop ng Kastila.
"Marami sa mga Pilipino ang nakaka-experience ng pagpugot ng ulo halimbawa na lang ng mga pari. Dahil dito naging kuwentong bayan at naging laganap ang kuwentong ito," ayon kay Cabalza.
"Dahil diyan nagkakaroon ng chill factor dahil nga kapag nakakakita ng pugot ang ulo ibig sabihin nun ay puwede ka nang mamatay," dagdag niya. --FRJ,GMA Integrated News