Nasopresa ang mga follower ng mag-asawang Derek Ramsay at Ellen Adarna nang mag-post ang aktor ng larawan tungkol sa bago nilang baby. Pero paliwanag ng aktres, hindi niya itinago ang kaniyang pagbubuntis.
Ang naturang baby girl ang unang anak nina Derek at Ellen.
May isang anak si Ellen sa dati niyang nobyo na si John Lloyd Cruz, ganoon din si Derek sa dati nitong partner.
Sa comments section sa post Derek nitong weekend, nilinaw ni Ellen sa isang follower na hindi nila intensyon ni Derek na magsorpresa, o ilihim ang kaniyang pagbubuntis.
Wala lang umanong nakikitang dahilan si Ellen para ianunsyo ang kaniyang pagbubuntis.
"Hindi ko gusto surprise," saad ni Ellen, sabay paglilinaw na alam ng kaniyang mga kaibigan at kaanak na buntis siya.
"'Di ko naman tinatago, when i go out, crop top ako kahit malaki tiyan,' patuloy niya.
Ayon pa sa aktres, nais lang niya ng "quiet and peaceful pregnancy."
"Last thing I need are opinions from people I don't know and unsolicited advice," ani Ellen.
Nitong Lunes, nag-post sa Instagram si Ellen ng kaniyang bagong baby kasama ang anak na si Elias.
November 2021 nang ikasal sina Ellen at Derek, matapos mabalita ang kanilang relasyon nang taong ding iyon.
Noong Disyembre 2023, inihayag ni Derek na nakunan o nagkaroon ng miscarriage si Ellen. — FRJ, GMA Integrated News