Pag-asa ang hatid ng "Magpasikat" performance ng team ni Vice Ganda para sa 15th anniversary ng "It's Showtime." Nakasama ng grupo ni Vice sa stage sina Carlos Yulo, at Awra Briguela, at ang SB19 na inawit na may ibang rendition ang "Liham."

Kasama ni Vice sa kaniyang team na nagtanghal nitong Lunes sina Ryan Bang at Karylle, na naka-angel costume at inawit ang ginawa niyang kanta para namayapa niyang ama na si Modesto Tatlonghari.

Alay naman ni Ryan ang kaniyang performance para sa kaniyang mga magulang at ibinahagi rin ang salo-salo nilang pamilya nitong taon.

Sa bahagi ng pagtatanghal ni Vice, binalikan niya ang mga pagsubok na kanilang pinagdaanan sa programa sa nagdaang 15 taon.

Matapos ang individual performances ng Team Vice, nagsama-sama na ang lahat sa awitin ng SB19, na nagbahagi rin ng mga pagsubok na pinagdaanan nila, kasama sina Carlos at Awra.

Ayon kay Vice, ang SB19 mismo ang nagmungkahi na baguhin ang laman ng kanta nilang "Liham" para umayon sa mensahe ng kanilang pagtatanghal.

"Ang dami n'yong na-achive pero sa sobrang husay niyo at sa edad niyo, ang dami n'yo pang i-look forward because you guys are limitless. Sobrang galing ninyo kaya congratulations," pagbati ni Vice sa SB19.

Nagpasalamat din ang SB19 na naging bahagi sila ng pagtatanghal ng grupo ni Vice at nakapagbigay ng inspirasyon.

Sa Martes, ang grupo naman nina Ogie Alcasid, Kim Ciu, MC at Lassy ang magtatanghal.

Sa Miyerkoles naman sina Vhong Navarro, Amy Perez, Daren Espanto, at Ion Perez.

Sa Huwebes naman ang grupo nina Anne Curtis, Jugs Jugueta, at Teddy Corpuz. Samantalang sa Biyernes naman sina Jhong Hilario, Jackie Gonzaga, at Cianne Dominguez.

Ang mga hurado ngayong taon para sa  "Magpasikat" ay sina Gabbi Garcia, Donny Pangilinan, Alice Dixon, at dating ABS-CBN president Freddie "FMG" Garcia.-- FRJ, GMA Integrated News