Inamin ni Gabbi Garcia na nahirapan siyang mag-move on mula sa hiwalayan nila ng kaniyang ex-boyfriend na si Ruru Madrid.

Sa episode ng “Fast Talk With Boy Abunda” nitong Lunes, sumalang ang aktres sa “guilty or not guilty challenge” at tinanong siya tungkol sa naging relasyon nila ni Ruru.

“Guilty or not guilty, nahirapan mag-move on?” tanong ni Tito Boy, na sinagot naman ni Gabbi na: “Guilty.”

“Kay Ruru?,” pahabol na tanong ng King of Talk.

Natatawang sagot ni Gabbi: “Ay may kasunod! Kay Ruru? Oh sige, oo. First love ko eh!”

Tinanong din ni Tito Boy kung Ok lang sa nobyo niya ngayon na si  Khalil Ramos na napag-uusapan si Ruru sa kaniya.

“Yeah, he’s very open. Yeah, [he’s very secure] and he’s a smart person, he can handle things,” tugon ni Gabbi.

Menor de edad pa sina Gabbi at Ruru, na edad 15 at 16 nang magkaroon sila ng relasyon.

Nagkasama ang dalawa sa mga proyektong "Encantadia," "My Destiny," "Let The Love Begin," at "Sherlock Jr."

Kasalukuyang nobya ni Ruru si Bianca Umali, habang pitong taon na ang relasyon nina Gabbi at Khalil.

Nakatakdang magkasama muli sina Ruru at Gabby para sa upcoming series na "Sang'gre," kung saan gagampanan muli nila ang kanilang mga karakter na sina Alena at Ybrahim.

Kasama rin sa serye si Bianca para sa bagong karakter sa "Sang'gre" na si Terra.— FRJ, GMA Integrated News