Hindi nahihiya sina Jessica Villarubin at Katrina Velarde na aminin na sumailalim sila sa surgical enhancements.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, inihayag ng dalawang mang-aawit na nakatulong ang surgical enhancements para tumaas ang kanilang kompiyansa sa sarili.

"First of all po, halata naman po," natatawang sabi ni Katrina na inayunan naman ni Jessica. "May mga old photos po, so parang wala din pong sense talaga mag-deny."

Ayon kina Katrina at Jessica, may "sponsor" sa kanilang naging unang procedure kaya kailangan nila itong pag-usapan noon.

"Serious po is actually parang important din po kasi nowadays 'yung physical appearance din po, and I think I'm more confident po na nagpagawa ako," ani Katrina.

Nagkaroon si Katrina ng chin at lip fillers, nonsurgical eyelid enhancement, at rhinoplasty.

Ayon naman kay Jessica, "Kasi makikita man sa tao na [nagpa-ilong]. Magde-deny pa ako, Tito Boy, na 'Hindi po ako nagpagawa talaga,' ta's naganito na 'yung ilong ko. Kasi ang layo po kasi."

Ibinahagi rin ni Jessica na na-bully siya noong bata dahil sa kaniyang hitsura.

"Magaling ako, ta's pangit, ganoon. Wala kang star quality, like hindi ka—'yun 'yung kinalakihan ko, Tito Boy," saad niya.

Dagdag naman ni Katrina, "Laging, 'Ang galing mo, kaso…' Ang na-realize ko po ngayon lalo na sa music industry, ang tao po, medyo weird lang, Tito Boy, pero ang tao mas nanonood na sila. Hindi na sila nakikinig. Mas gusto na nila 'yung mas maayos or magandang maganda ka bago ka nila pakinggan. Parang 'yun na 'yung mas nasu-support po ngayon."

Si Jessica ang nagwagi sa third season ng "The Clash" at bahagi ng Queendom na kasama sina Rita Daniela, Thea Astley, Mariane Osabel, Hannah Precillas, at Julie Anne San Jose.

Nagsimula naman ang singing career ni Katrina sa pagsali sa mga contest.-- FRJ, GMA Integrated News