Hindi batid ng marami, may mga kamag-anak na nasa pulitika ang TV host na si Boy Abunda. May plano kaya siyang pasukin ang mundo ng public service?
Nagsimula na ngayon ng nagpa-file ng certificate of candidacy (COC) ang mga nais kumandidato sa Eleksyon 2025. Kabilang sa mga aspirante muli sa halalan ay ilang kilalang showbiz personalities.
LOOK: Ilan sa mga celebrity at kilalang personalidad na sasabak sa Eleksyon 2025
Pagdating sa mga may potensyal na kumandidato, isa ang batikang TV host na si Boy Abunda. Sa katunayan ilang beses na raw inalok ang Fast Talk With Boy Abunda host na tumakbo sa eleksyon ngunit lagi niya itong tinatanggihan.
“Dati pa,” pag-uulit ni Boy nang makapanayam siya kamakailan ng ilang piling entertainment media, kabilang na ang GMANetwork.com.
Dagdag pa niya, “I'm the only one in the family who's not into politics. Kung talagang… Wala talaga sa bituka. No fire in the belly.”
“My sister [Maria Fe Abunda], right now, is a congresswoman. She was nine-year vice mayor, nine-year mayor. Nanay [Lesing Abunda] was vice mayor, was a konsehal. My father [Eugenio Abunda] was a small-town politician. Hindi ko talaga siya [naisip]," patuloy niya.
Ibig sabihin ba nito ay sinasarado na niya ang pinto sa anumang oportunidad sa mga susunod na panahon?
Sagot ni Boy, “No. I never closed door, mahirap magbukas.”
Bagamat wala pa siyang interes maging bahagi ng pulitika, nilinaw naman niya na, “Some of you know that I have a political consulting firm. I am familiar with politics. It has nothing to do with not knowing.”
Sa huli, binigyan-diin ni Tito Boy na, “Hindi talaga, e. I love show business.” --Nherz Almo, Jimboy Napoles/GMANetwork.com