Naging emosyonal ang aktor na si Ricardo Cepeda nang magkuwento matapos pansamantalang makalaya mula sa kinakaharap na kaso na syndicated estafa.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing halos 11 buwan na nadetine si Ricardo sa Cagayan Provincial Jail.
Pansamatalang nakalaya ang aktor nang payagan siya ng korte na maglagak ng piyansa. Kaya naman labis ang saya ni Ricardo nang muli niyang makapiling ang pamilya.
Pero ayon sa aktor, mas nag-alala siya sa kaniyang pamilya nang arestuhin siya sa kaso na wala naman umano siyang direktang kinalaman sa operasyon ng kompanya na kaniyang kinasangkutan.
"My worry is sila," ani Ricardo. "How are they going to handle it, how are they going to handle people saying things about me, iyong negativity they may hear."
Inakala rin umano ni Ricardo na kaagad na matatapos ang kaniyang kaso kapag nakapagpakita na siya ng katibayan na model o endorser lang siya ng produkto ng inirereklamong kompanya.
"Akala ko talaga [the case] would be over once nakita, nabasa nila, nakita nila na, huh, hindi siya kasama. I really thought, we thought, two months lang baka tapos na ito," saad niya. "You try to be positive."
Nagpapasalamat si Ricardo sa kaniyang life partner na aktres na si Marina Benipayo, na itinuturing niyang "hero" sa pagsubok na kaniyang hinarap.
"Sabi ko nga she's my hero," anang aktor. "She really kept everything together na that's what helped me also inside knowing that somebody is taking charge outside."
Wala pang nakatakdang schedule ng pagdinig ang korte kaugnay sa kaso ni Ricardo.—FRJ, GMA Integrated News