Ipinahayag ni Jennylyn Mercado sa Instagram post ang pamamahal niya sa kaniyang stepson na si Calix, na nagdiwang ika-17 taong kaarawan. Bagay na ipinagpapasalamat ng ina ni Calix na si Carlene Aguilar.

Sa selebrasyon ng kaarawan ni Calix nitong Linggo, nag-post si Jennylyn ng mga larawan ng binatilyo nang sumabak ito sa fencing competition.

"Happy birthday, Kuya Calix! May all your wishes come true today and every day. We love you!" mensahe ng Kapuso actress sa caption.

Nag-iwan naman ng mensahe sa comment section si Carlene para pasalamatan si Jennylyn sa pagmamahal nito kay Calix.

"Thank you Mommy Jen for loving Calix as your own," saad ng dating beauty queen.

 

 

Si Calix ay anak nina Carlene at Kapuso actor Dennis Trillo, na asawa na ngayon ni Jennylyn.

May sarili na rin ngayong pamilya si Carlene.

Nag-post din si Dennis sa Instagram ng video sa fencing competition ni Calix para batiin ang anak.

"Daisy Siete! Congrats to my panganay, so proud of you, mahal na mahal ka namin! We’re always here for you! Happy Birthday," anang aktor sa caption.

Si Calix ang panganay na anak nina Dennis at Jennylyn sa kanilang "blended" family. May isang anak din si Jennylyn na si Jazz, sa dati nitong nobyo na si Patrick Garcia, at bunso naman sa magkakapatid si Baby Dylan, na anak nina Dennis at Jennylyn.—FRJ, GMA Integrated News