Nakilahok ang ilang Sparkle artist at GMA employee volunteers sa isinagawang International Coastal Cleanup Drive sa Pasay City nitong Sabado.
Sa ulat ni Mao dela Cruz ng Super Radyo dzBB, sinabing isinagawa ang cleanup drive sa Pasay sa Central Park sa SM by the Bay, na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources, Philippine Coast Guard, kasama na rin ang GMA Network sa pamamagitan ng "Kapuso at Kasambuhay ng Kalikasan."
Nakibahagi ang Sparkle stars na sina Shuvee Etrata, Nikki Co, John Clifford, Seb Pajarillo at Zyren Dela Cruz, at 30 GMA employee-volunteers sa ika-39 Coastal Cleanup na may temang "Clean Seas for Blue Economy."
Ang paglilinis ay parte ng taunang International Coastal Cleanup Drive na isinasagawa tuwing ikatlong Sabado ng Setyembre, ayon na rin sa Presidential Proclamation 470.
Dala-dala ng volunteers ang kanilang mga sako, face mask, tumbler para sa iinuming tubig at rake para sa paghahakot ng basura.
Daan-daang indibiduwal pa ang nakisali mula sa iba't ibang tanggapan ng gobyerno, NGOs, mga estudyante at pribadong sektor.
Sa dami ng basura, kinailangang gumamit ng dump truck para mahakot ang mga ito, kung saan ang karamihan ay mga plastic, styrofoam, kawayan at mga driftwood na inanod sa lugar dahil sa mga nagdaang bagyong Carina, Enteng at Habagat.
Ilang ambulansiya pa ang nakaantabay kung sakaling kailangan ng tulong medikal.
Inaasahang aabot sa tone-toneladang basura ang mahahakot sa baybaying dagat ng Manila Bay.
Pinakamalaking nahakot ng SM sa ika-38 International Cleanup noong nakaraang taon ang umabot ng 100,000 kilos ng basura. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News