Ikinuwento ng veteran singer na si Dulce ang ginawa niyang "pagtakas" noon mula sa isang clinic na planong iretoke ang kaniyang ilong, na ayaw niyang ipagalaw.
Sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinabi ni Dulce na nabansagan siyang "rebelde" ng kaniyang team nang inihahanda noon ang kaniyang album.
“Ayokong pumayag na gawin ‘yung mukha ko,” sabi ni Dulce tungkol sa pagtawag sa kaniya na rebelde.
Paliwanag niya, nais ng namamahala sa kaniyang career noon na sumailalim siya sa retoke para "pagandahin" siya.
"Eh ayoko talaga,” pagbahagi niya, partikular sa pagpapagalaw sa kaniyang ilong.
Ayon kay Dulce, dinala siya noon sa isang ospital at pinapunta sa isang clinic na hindi niya alam ay plano palang iritoke ang kaniyang ilong na bigla na "sinukat."
“‘Ano ‘yan?’ Tapos drawing drawing kasi nga i-aayos na nga. No, I ran away. Tumakbo talaga ako. Sabi ko, ‘No. Hindi po ako puwede talaga magpagalaw,'" pagbahagi ng singer.
Paliwanag ni Dulce, naging paninindigan niya na huwag magparetoke dahil nakilala naman siya dahil sa kaniyang tinig.
"I really believe, Boy, na kung dumating man ako rito, nakaabot ako ng Maynila, it’s because of the voice that God gave me. Ngayon meron akong fear na kapag ginalaw ang ilong, eh talaga magbabago or ano man ang mangyari," saad niya.
Nagmula sa Cebu si Dulce na nagsimula ang career sa pamamagitan ng pagsali sa mga singing contest noong 1975.
Noong 1979, nanalo si Dulce sa Asian Singing Competition nang awitin niya “Ako Ang Nasawi, Ako Ang Nagwagi."
Ilan pa sa mga hit song niya ang “Paano” at “Kastilyong Buhangin.”
Kasama si Dulce sa gaganaping worship concert ng non-governmental organization Christian Broadcasting Networks (CBN) Asia, “Beyond Measure.”
Mangyayari ito sa September 24, 5 p.m., sa Smart Araneta Coliseum. — FRJ, GMA Integrated News