Bibida sina Beauty Gonzalez at Sid Lucero sa pelikulang "Outside," na kauna-unahang zombie movie ng Netflix Philippines.

Nitong Huwebes, ipinasilip ng Netflix Philippines ang official trailer ng pelikula na inaasahang magdudulot ng hilakbot sa mga manonood.

Ipinakita sa trailer ang pamilya nina Francis (Sid) at Iris (Beauty), habang nasa van kasama ang mga anak na sina Josh (Marco Masa) at Lucas (Aiden Tyler Patdu). Umalis sila sa kanilang lugar para takasan ang zombie outbreak.

Gayunman, tila hindi matatakasan ng pamilya ang kilabot na ipinakita sa mga sumunod na eksena.

Ang "Outside" ay sa direksyon ni Carlo Ledesma, na nasa likod ng mga horror film na "The Tunnel" at "Sunod,"horror-comedy short na "The Kapre."

"At its core, it's a film about a family's survival," ayon kay direk Carlo nang ianunsyo nila ang proyekto noong nakaraang Hunyo.

Nakatakdang ipalabas ang "Outside" sa October 17 sa Netflix.— FRJ, GMA Integrated News