Kinumpirma nina Pablo at Stell ng SB19 na sumailalim sila sa ilang surgical enhancements, at wala silang nakikitang mali rito. Paliwanag nila, sariling desisyon ito ng bawat tao.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, diretsahang tinanong ni Tito Boy sina Pablo at Stell kung dumaan sila sa mga prosesong ito.

"Yeah," tugon nina Stell at Pablo, na parehong tumango.

"Even my friends po when they ask me, 'Uy nagpa-[surgical enhancement] ka ba talaga?' Sabi ko, 'Oo naman,'" dagdag ni Stell.

"Tinatanong mo pa ba?" natatawa namang sabi ni Pablo.

"Hindi ba obvious?" dugtong ni Stell. "Lahat sinasagot ko, 'Kapag sinabi ko bang 'no,' maniniwala ka? 'Di ba hindi ka rin naman maniniwala?'"

Sa kabila nito, naniniwala sina Stell at Pablo na walang mali rito.

"So sinasabi ko po. I think wala namang mali. Kasi I'm sure kapag tinanong ko 'yung friend ko, sasabihin niya, 'Ay kapag may pera ako, magpapagawa rin ako niyan.' Ganu'n na po ngayon eh," sabi pa ni Stell.

Si Pablo, hindi raw inakala noong una na sasailalim din siya rito.

"Alam niyo po what's weird? Sabi ko po sa kanila, 'di ba napag-usapan natin (Stell) 'yan noong hindi pa tayo kilala, 'Magpapaganu'n ka ba ever?' Tapos ang sagot ko po, hindi pumasok sa isipan ko.' Pero hindi ko na lang namalayan, one day nagpapa-pillar na ako rito (turo sa banda niyang noo)."

"Nakaka-boost pala talaga siya ng confidence," dagdag ni Pablo.

Muling pagsegundo ni Stell, "Tsaka if you have the means, why not? Hindi naman hinihingi yon, pinagtatrabahuhan."

Si Pablo ang pinakabagong coach sa "The Voice Kids Philippines," kung saan coach na rin sina Stell, kasama sina Julie Anne San Jose at Billy Crawford.

Mapanonood ang "The Voice Kids Philippines" sa Kapuso Network simula Setyembre 15.--FRJ, GMA Integrated News