Matapos ang dalawang taon na pamamalagi sa Amerika para magpagamot, nagbalik na sa Pilipinas si Kris Aquino.

Ibinahagi ng official fan account ni Kris sa X (dating Twitter) ang Instagram Story ng fashion designer at kaibigang si Michael Leyva nitong Biyernes na makikita ang isang view ng airport mula sa loob ng isang eroplano.

“Touched down… hello Manila,” saad sa caption.

“Thank God for your safe flight. Welcome back to the Philippines. Hope you'll get well and be healed,” reply ng isang user.

May caption din ang Instagram Story ni Michael na, "I'm so back," na may timestamp na 5:03 a.m.

 

 

Una nang inihayag ni Kris nitong Huwebes na uuwi siya upang simulan ang kaniyang pangalawang immunosuppressant infusion.

"Emotionally I need the encouragement and unwavering faith my sisters and cousins, closest friends, and trusted team of doctors can provide," sabi niya. "Sadly what was the battle to improve my mental health is now the struggle to protect my vital organs. This is now the fight of my life."

Nagbigay din siya ng update sa publiko tungkol sa kaniyang kalusugan, na inilahad niya ang anim niyang kumpirmadong autoimmune condition.

Ito ay ang mga sumusunod: autoimmune thyroiditis, chronic spontaneous urticaria, Churg Strauss, systemic sclerosis, lupus, at rheumatoid arthritis.

Sinabi ni Kris na hinihintay niya ang resulta ng dalawa pang autoimmune conditions.

Kasama ni Kris na umuwi ang anak na si Bimby at kaniyang mga nurse, samantalang maiiwan ang panganay na anak na si Josh sa US ng ilang linggo pa.

Noong Hunyo, kinumpirma ni Kris na may bago siyang nobyo, na isang doktor na nakabase sa Makati City.

"He’s part of the reason why I'm confident na puwede akong umuwi kasi alam ko there’s someone who will help in taking care of me," sabi niya.

Taong 2022 nang ihayag ni Kris na mahigit isang taon siyang mananatili sa abroad para magpagamot. --FRJ, GMA Integrated News