Inihayag ni Kris Aquino na babalik na siya ng Pilipinas, at nagbigay din ng update sa lagay ng kaniyang kalusugan.
Sa kaniyang Instagram account, nag-post si Kris ng watawat ng Amerika, isang emoji ng eroplano, at watawat ng Pilipinas. May geotag din siya ng Los Angeles International Airport.
"The reason i decided to go home is because i need to start my second immunosuppressant infusions in 2-3 weeks (na gentler term para sa chemotherapy)," saad niya.
"Emotionally I need the encouragement and unwavering faith my sisters & cousins, closest friends, and trusted team of doctors can provide… sadly what was the BATTLE TO IMPROVE MY HEALTH is now THE STRUGGLE TO PROTECT MY VITAL ORGANS. This is now the FIGHT OF MY LIFE," pagpapatuloy ni Kris.
Muling inilatag ni Kris ang anim niyang mga autoimmune condition: autoimmune thyroiditis; chronic spontaneous urticaria; Churg Strauss/EGPA; systemic sclerosis; SLE o Lupus at rheumatoid arthritis.
Samantala, hinihintay pa niya ang mga resulta ng dalawa pa niyang autoimmune condition.
"I thank all of you for your prayers. MARAMING SALAMAT PO SA INYONG PATULOY NA MALASAKIT AT SUPORTA," sabi ng Queen of All Media.
"Bawal Sumuko. Tuloy po ang #Laban," caption pa niya.
Nauna nang sinabi ni Kris na uuwi siya sa Pilipinas kasama si Bimby at kaniyang mga nars, habang mananatili naman si Josh sa US ng ilan pang linggo.
Kinumpirma rin ni Kris na may bago siyang nobyo na isang doktor na nakabase sa Makati City.
"He’s part of the reason why I'm confident na puwede akong umuwi kasi alam ko there’s someone who will help in taking care of me," sabi niya. --FRJ, GMA Integrated News