Masaya si Nadine Samonte sa kaniyang big acting comeback sa upcoming Kapuso afternoon series na "Forever Young."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing makakasama ni Nadine sa proyekto ang "Firefly" child star na si Euwenn Mikaell.
Gaganap na mag-ina sa serye sina Nadine at Euwenn, na magbibigay ng matinding emosyon sa mga manonood.
"Sobrang natuwa ako sa GMA kasi nabigyan ako ng chance na mailabas ko 'yung acting ko," sabi ni Nadine. "Masasabi ko dito talagang binigay ko 'yung best ko talaga kasi parang, sabi ko, 'This is my comeback.'"
Kaabang-abang umano ang kuwento ng "Forever Young" dahil sa mga pagdadaanan ng mga karakter nina Nadine at Euwenn.
"They really need to watch, it's nakaka-touch. Iba talaga 'yung bonding namin and connection namin ni Euwenn, malalim," saad ng aktres.
Puring-puri din ni Nadine ang child star na iba raw mag-isip sa edad nito.
"Si Euwenn ang direktor namin dito. Minsan siya ang director, siya yung lapel, lahat siya na," natatawang sabi ni Nadine. "Alam mo 'yun lahat pabiro pero iba talaga yung isip ni Euwenn, hindi siya isip bata eh, sobrang mature niya mag-isip."
Ang "Forever Young" ay kuwento ng isang 25-anyos na si Rambo (Euwennn), na nakakulong sa katawan ng pang-10-taong-gulang dahil sa rare medical condition na panhypopituitarism.
Ang "Forever Young" ang magiging first TV series ni Euwenn.
Si Euwenn ang itinanghal na Best Child Actor sa FAMAS Awards 2024 para sa role niya bilang si Tonton sa pelikulang "Firefly," na ipinalabas sa Metro Manila Film Festival noong nakaraang Disyembre.
Kasama sa cast members sina Michael de Mesa, Eula Valdez, Alfred Vargas, Chanda Romero, Althea Ablan, Yasser Marta, Matt Lozano, Bryce Eusebio, at James Blanco, na mapapanood simula sa Oktubre sa GMA Afternoon Prime. -- FRJ, GMA Integrated News