Ipinagdiwang ni Kyline Alcantara ang kaniyang ika-22 taong kaarawan sa New York, kasama ang nali-link sa kaniya ngayon na si Kobe Paras, at ang kaniyang ina na si Rowena.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nanood sina Kyline ng "Wicked" musical sa Broadway.

Gusto raw ni Kyline na mapanood ang naturang musical play dahil sa kantang "Defying Gravity."

Samantala, first time naman daw ni Kobe na manood ng isang Broadway musical, na kaniyang nagustuhan.

Nakatakda ring dumalo si Kyline sa iba't ibang event sa New York Fashion Week.

Nagsimula ang usap-usapan na tila may romantikong namamagitan kina Kyline at Kobe noong Mayo nang mapansin ng netizens ang posts na larawan ng dalawa na tila nasa iisang restaurant.

Nasundan ito ng pag-repost ni Kobe ng Instagram stories ni Kyline na nilagyan niya ng white heart emoji.

Hanggang sa makita ang dalawa na naglalakad sa Bonifacio Global City na magkahawak ng kamay.

Nakatakdang bumida si Kyline sa upcoming Philippine adaptation ng hit Korean drama series na "Shining Inheritance," kasama sina Kate Valdez, Paul Salas, Roxie Smith at Coney Reyes. —FRJ, GMA Integrated News