Buntis muli si Iya Villania na ika-limang anak nila ni Drew Arellano.

Sa kanilang Instagram Reel, nag-post ng video at larawan ang pamilya Arellano na sumasayaw sa tugtuging “Mambo No. 5” ni Lou Bega.

Isa-isang nagpakita ang mga anak nina Drew at Iya, na sina Primo, Leon, Alana, at Astro, at sa huli, ipinakita naman ang larawan ng ultrasound ng bago nilang baby.

Naglagay si Iya sa caption ng waving hand emoji.

Dinagsa naman ng pagbati ang mag-asawa mula sa kanilang followers at maging sa mga kapuwa nila celebrities.

 

 

Nitong nakaraang Enero, biniro nina Iya at Drew ang netizens sa pagkakaroon ng ika-limang anak.

Taong 2014 nang ikasal ang mag-asawa.

Taong 2022 naman nang isilang ni Iya ang bunso nilang anak na si Astro.—FRJ, GMA Integrated News