Kasabay ng pagsisimula ng "ber" months, inanunsyo na magkakaroon ng Jose Mari Chan musical na gaganapin sa Nobyembre.

Nakatakdang ipalabas ang “Going Home To Christmas: A Jose Mari Chan Musical,” sa Nobyembre 29 sa Carlos P. Romulo Auditorium, RCBC Plaza sa Makati City.

“You know the man. You’ve heard the songs. This Christmas season, watch us bring his songs to life on the theater stage,” saad ng Repertory Philippines sa anunsyo nila sa Facebook.

Ibinahagi ng produksiyon ang poster ng musical, na hinango sa iconic meme ni Jose Mari Chan na sumisilip siya sa isang pinto o pader.

Ibinahagi rin ito ni Jose Mari Chan sa kaniyang Facebook page at pinasalamatan ang Repertory Philippines at "for honoring me with this project!”

Si Jose Mari Chan ang singer sa likod ng classic Filipino holiday song na “Christmas in Our Hearts.” Nag-viral siya kamakailan nang maging emosyonal sa isang event kung saan nakisabay ang audience sa pagkanta kasama siya.

Ilan pa sa mga kanta ni Jose Mari Chan noong '90s ang “Beautiful Girl,” “Please Be Careful with My Heart,” at “A Love to Last a Lifetime."

Isa rin siya sa mga composer ng kantang “Mamang Sorbetero” ni Celeste Legaspi, kasama si Gryk Ortaleza, at “Ang Nobya Kong Sexy” ng Apo Hiking Society kasama si Jim Paredes.-- FRJ, GMA Integrated News