Hindi inasahan ni Bianca Umali na guest judge sa "It's Showtime" na may "Kalokalike" ang kaniyang nobyong si Ruru Madrid na magiging kalahok sa pagbabalik ng naturang segment.

Sa episode ng noontime show nitong Lunes, napatawa ang Kapuso actress nang makita ang "kalokalike" ni Ruru na si Kevin, na isa sa tatlong kalahok.

Isa si Bianca sa mga hurado sa naturang segment nitong Lunes, kasama ang comedienne na si Rufa Mae Quinto, na natuwa rin kay Kevin dahil sa pagiging kahawig ni Ruru.

"Binisita ko lang mahal ko. Ayoko siya maging malungkot kasi," sabi ni Kevin kay Bianca, na game namang nakipagkulitan.

"Bakit hindi ka nag-a-update?," sabi ni Bianca kay Kevin na kunwaring si Ruru.

"Siyempre, gusto ko ma-surprise 'yung mahal ko para makasama ka," sabi ni Kevin.

Bukod sa action scenes na ipinakita niyang talent ala-Black Rider, kinantahan din ni Kevin si Bianca.

Tunghayan ang nakakakilig na tawagan ng dalawa na "mahal." Panoorin ang video.-- FRJ, GMA Integrated News