Naghain ng cyber libel complaint si Sandro Muhlach laban sa tatlong anonymous accounts sa "X" (dating Twitter) sa National Bureau of Investigation (NBI)—Cybercrime Division. Ang lolo ng aktor, may apela sa publiko.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng NBI-Cybercrime Division na nakasaad sa reklamo ni Sandro ang mahigit 100 mapanirang posts tungkol sa naranasang niyang pang-aabuso sa dalawang independent contractor.
Umapela naman sa publiko ang lolo ni Sandro na si Alexander Muhlach, na igalang ang privacy ng kaniyang apo.
"The online harassment and bullying he has been subjected to are only worsening his condition. Sandro needs our compassion and support as he works towards recovery. We appreciate your understanding and respect for his journey towards healing," ayon kay Alexander.
Nitong nakaraang linggo, ibinahagi ni Sandro sa kaniyang social media post ang kaniyang pinagdadaan mula nang mangyari ang insidente noong July.
Saan ng aktor, hindi siya nakakatulog nang maayos at nakararanas ng pagkabalisa.
"What you did to me, it wrecked me. Hirap na hirap ako makatulog since it happened. Anxiety and [PTSDs] are hard to beat," sabi ng aktor.
“Ang laban ko ay para [rin] sa lahat ng inabuso. The truth will prevail,” dagdag pa niya Sandro na nagbigay na rin ng kaniyang pahayag sa isinasagawang pagdinig ng isang komite sa Senado.
Nauna nang nagsampa ng reklamong rape sa Department of Justice si Sandro, laban kina Jojo Nones at Richard Cruz.
Sa mga naunang pahayag, itinanggi ng dalawa ang mga paratang laban sa kanila.--FRJ, GMA Integrated News