Naglabas ng pagkadismaya ang actor-turned-politician na si Leyte Representative Richard Gomez sa naranasang matinding trapik sa EDSA. Kaya tanong niya, bakit hindi ipagamit sa ibang sasakyan ang bus lane kapag sobrang bagal ang daloy ng trapiko sa lugar?
Sa kaniyang Facebook post, natanong ng kongresista ang tungkol sa naturang isang linya ng daan sa EDSA na nakalaan lang para sa mga bus pero iilan lang umano ang dumadaan.
"2 hours in EDSA traffic and counting. From Makati, Ayala nasa SM Edsa pa lang ako up to now. Eh QC ang punta ko. 1 or 2 hours pa ba?!," saad ni Richard sa post.
"Ilang bus lang ang gumagamit ng bus lane, bakit hindi buksan during heavy traffic para mas lumuwag ang traffic?" dagdag niya.
Nang hingan ng komento ang Metro Manila Development Authority (MMDA) tungkol sa tanong ni RIchard, sinabi nito na ang Department of Transportation (DOTr) ang nararapat na sumagot.
"DOTr po ang [in charge sa EDSA] bus lane," paliwanag ng MMDA communications team sa GMA News Online.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuhanan muli ng pahayag sina Richard at ang DOTr.
Mahigpit na ipinagbabawal sa ibang uri ng sasakyan ang pagdaan sa busway na nakalaan para sa mga pampasaherong bus upang maging mabilis ang biyahe ng mga ito.
Piling sasakyan lang ang pinapayagang gumamit ng busway gaya ng on-duty ambulances, fire trucks, at Philippine National Police vehicles, at ilan pang may emergency.
Sa mga opisyal ng gobyerno, tanging ang Presidente, Bise Presidente, Senate President, Speaker of the House of Representatives, at Chief Justice ng Supreme Court ang puwedeng dumaan.
Sa ilalim ng MMDA Regulation 23-002, ang mga mahuhuli na dumaan sa busway pero hindi awtorisado ay magmumulta ng P5,000 sa unang paglabag; P10,000 sa ikalawa na may kasamang road safety seminar; P20,000 sa ikatlong pagkakahuli at one year suspension ng driver's license; at P30,000 sa ika-apat na pagkakahuli, at irerekomenda na tanggalan ng lisensya ang driver.— mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ, GMA Integrated News