Inihayag ng SB19 na nagbukas sila ng audition para bumuo ng isang girl group na pamumunuan ng kanilang kompanyang 1Z ENTERTAINMENT.
Sinabi ito ng grupo na binubuo ni Pablo, Justin, Ken, Stell at Josh, sa ikalawang bahagi ng kanilang panayam sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
“Actually nagpa-open kami ng audition for a girl group, and it is something na matagal naming pinag-isipan kasi siyempre nga po, hindi siya madaling bagay,” sabi ni Pablo. “Kami nga po, hirap na hirap na kaming i-handle ang mga sarili namin, tumulong pa sa ibang grupo. Pero it’s something na gustong gusto talaga naming gawin.”
Ayon kay Pablo, kampante silang magagabayan ang binubuo nilang girl group sa kabila ng pagiging hectic din nila sa sarili nilang grupo.
“And alam po naming equipped naman kami kasi we have the right people na tumulong talaga sa amin. We have the right teachers, right mentors sa sustainability ng project na ‘yun, talagang pinag-aralan po siya and alam naman namin na hindi kami magkaka-problema,” sabi pa ni Pablo.
Inihayag ito ng PPop Kings kasabay ng kanilang paghanga at kasiyahan sa tagumpay ng Nation’s Girl Group na BINI.
“Nakakatuwa,” sabi ni Pablo tungkol sa kasikatan ngayon ng girl group.
“Masayang-masaya po kami na nako-consider na talaga ‘yung PPOP and of course ang mga groups na ‘yan, kasi deserve po talaga nila,” sabi ni Josh.
Idiniin ni Pablo na dapat magtulungan ang mga kapwa Pinoy sa pagsusulong ng Pinoy Pop.
“Tsaka sabi niyo po kanina, ‘It takes a village.’ To promote something, dapat magtulungan talaga. So nakikilala ‘yung ibang groups, talagang it’s also something to be proud of, lalong lalo na po sa amin,” anang lider ng SB19.
“And of course, they worked hard for it,” pagsegundo naman ni Ken.
Sa unang bahagi ng kanilang sit-down interview sa “Fast Talk with Boy Abunda,” nauna nang kinilala ng SB19 ang kasikatan ng BINI.
“Ang dami na pong groups na nag-uusbungan po ngayon, nakikilala katulad ng BINI, other groups, talagang nakikilala na rin all over the world,” sabi ni Pablo.
Nagdebut noong 2018, kilala ang SB19 sa kanilang mga kantang "GENTO," "MAPA," “WYAT” “Bazinga,” at marami pang iba.
Inilabas din nila ang bago nilang single na "Kalakal," na isang kolaborasyon kasama si Gloc-9. Ilulunsad din nila ang kanilang documentary film nitong Agosto 28 na tungkol sa kanilang "PAGTATAG!" era.
Binubuo naman ang BINI nina Jhoanna, Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, at Sheena at trending sa kanilang mga kantang "Salamin, Salamin," "Pantropiko," "Na Na Na," "Lagi," "Karera," at "Huwag Muna Tayong Umuwi."
Inilabas na rin nila ang kanilang latest na kanta na "Cherry on Top.”
Magtutungo sa Korea ang SB19 at BINI sa Seoul, South Korea para mag-perform sa Billboard K Power 100 event, na presented ng Billboard Korea na gaganapin sa Yeong Bin Gwan Hall ng The Shilla Seoul.-- FRJ, GMA Integrated News